25-M estudyante dadagsa ngayon

Nasa 25-milyong estudyante sa kinder, elementary at high school ang inaasahang dadagsa ngayong unang araw ng pagbubukas ng klase sa buong bansa. Philstar.com/File photo

MANILA, Philippines – Nasa 25-milyong estudyante sa kinder, elementary at high school ang inaasahang dadagsa ngayong unang araw ng pagbubukas ng klase sa buong bansa.

Ayon kay Education Sec. Armin Luistro, all system go ang kagawaran para sa pagbubukas ng school year 2016-2017 ngayong araw.

Sinabi ni Luistro, nasa isang milyon ang papasok sa Senior High Scholl (SHS) Grade 11, habang ang 24-milyon ay sa kindergarten, elementary hanggang grade 10 mula sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.

Aniya, walang katotohanan ang pahayag ng mga militanteng mag-aaral na 303,722 estudyante lamang ang nag-enrol sa SHS bagkus ay nasa isang milyon na ang papasok sa grade 11 na siyang first batch ng full implementation ng K-12 program ng pamahalaan.

Inaasahan ni Luistro na dadami pa ang mag-eenrol hanggang sa Hunyo 17 na siyang huling araw na maaaring i-accommodate ang isang estudyante sa SHS na late enrollees.

Inihayag pa ni Luistro, sa ngayon ay wala pa silang nakikitang problema sa pagbubukas ng klase at kung magkakaroon man ng suliranin ay tiyak na mareresolba, tulad ng kakapusan ng silid aralan, libro at iba pa.

Payo ng Kalihim sa mga estudyante na pumasok nang maaga upang hindi ma-late sa klase dahil sa inaasahang matinding trapik lalo na sa Metro Manila. 

Sa mga magulang na may katanungan pa sa pagbubukas ng klase, maaaring tumawag sa DepEd hotline na 6671188.

Show comments