MANILA, Philippines – Ipinagmalaki kahapon ni Senator Cynthia Villar na bukod sa agrikultura, isa rin ang edukasyon sa pinagtuunan niya ng pansin sa nakalipas na tatlong taon niya sa Kongreso.
Si Villar ang prinsipal na may akda o co-author ng may siyam na landmark na batas sa edukasyon na karamihan ay kanyang itinulak noong kongresista pa siya ng Las Piñas at chairperson ng Committee on Higher and Technical Education.
Kabilang aniya dito ang Republic Act 10647 o ang Ladderized Education Act, ang kanyang orihinal na panukalang batas. Siya ang kaunahang mambabatas na naghain sa House of Representatives ng panukalang batas tungkol dito. Muli niya itong inihain bilang senador.
Siya ang pangunahing may-akda ng RA 10650 o Open Distance Learning Act. Sinabi ni Villar na dahil sa distance learning system na nagbibigay ng mas magaan na sistema ng edukasyon, mababawasan ang bilang ng mga mag-aaral na umaalis sa paaralan.
Ipinagmalaki rin ni Villar ang RA 10743 o National Teachers’ Day Act na nagdedeklara sa ika-limang araw ng Oktubre bilang “special working holiday” upang ipagdiwang ang Araw ng mga Guro.
Siya rin ang pangunahing may akda ng RA 10679 o Youth Entrepreneurship Act na nagsusulong na maisama ang youth entrepreneurship at financial literacy programsa lahat ng antas ng edukasyon sa buong kapuluan.
Magkakaroon din ng Entrepreneurship Education Committee kung saan uupong chairman ang secretary of the Department of Education. Bubuuin ito ng apat na kinatawan mula sa Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, at National Youth Commission.