MANILA, Philippines - Hindi umano papayagan ni President -elect Rodrigo Duterte na mahawakan ang kapangyarihan sa Senado ng mga hindi nito kaalyado .
Sinabi ni incoming Senator Juan Miguel Zubiri, na kailanman ay hindi papayag si Duterte na makontrol ng mga kalaban ng pagbabago ang Senado.
Idinagdag pa nito na hindi hahayaan ni Digong na kontrolin ng mga tumutol sa kanyang plataporma ang ilang mga komite sa Senado at kalaunan ay maging hadlang sa kanyang plano para sa tunay na pagbabago.
Iprinotesta rin ni Zubiri, ang ginawang pag-anunsyo ni Sen. Tito Sotto sa mga hahawakang komite ng mga Senador kung saan itinalaga si Senator-elect Panfilo Lacson sa komite ng public order at dangerous drugs, habang chair ng komite ng justice at human rights naman si Senator-elect Leila de Lima.
Ang dalawang Senador ay kapwa mga kritiko ni Duterte noong panahon ng kampanya.
Giit ni Zubiri, mayroong mga komite na gustong bigyan ng basbas ng presidente at ito ay importante para sa kanyang mga adbokasiya, tulad ng public order, finance, justice at human rights, at constitutional amendments.
“ Sa tingin ninyo papayagan ng Pangulo ang hindi kaalyado na pamunuan ang mga komiteng ito?” dagdag pa ni Zubiri.
Nilinaw naman nito na hindi pa siya handa na sumali sa umano’y “supermajority” ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III.
Matatandaan na una nang sinabi ni Pimentel na mayroon na silang 14 na pirma sa resolusyon na sumusuporta para sa kanyang hangad na liderato sa Senado.
Iginiit ng Senador na nanatili pa rin ang desisyon nito na huwag munang umanib sa sinasabing “supermajority” ni Pimentel hanggang wala pa silang naririnig mula mismo kay Duterte at hanggang hindi pa nakikipagkita si Pimentel sa susunod na Pangulo.
“Masyado pang maaga para gumawa ng mga desisyon. Wala pang nabubuo na anumang konkretong desisyon.
Aantayin namin ang kahihinatnan ng mangyayaring miting,” na ang tinutukoy ay ang mga kapwa senator-elect na si Richard Gordon, at mga senador na sina Cynthia Villar, at JV Ejercito, na sumusuporta sa karera para sa Senate Presidency ni Sen. Alan Peter Cayetano.