MANILA, Philippines – Dahil sa deklarasyon na “drug war” ni President-elect Rodrigo “Digong” Duterte laban sa mga malalaking sindikato ng droga sa bansa, ibinunyag kahapon ni incoming Philippine National Police (PNP) chief, P/Chief Supt. Ronald “The Rock” Dela Rosa na nag-alok na ng P10 milyong reward ang mga nakapiit na drug lords sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kapalit ng ulo ni Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, bukod sa P10 milyong patong sa ulo ni Duterte, maging siya ay target ding itumba ng mga drug lords kapalit rin ng P10 milyon pabuya.
“Just yesterday (Monday) I received information that drug lords currently in Bilibid met and agreed to match the P5 million offered by Mayor, times two P10 million and we (Duterte and Dela Rosa) will be the target,” pahayag ni de la Rosa.
“So I tell them, come on down, bring it on,” buong tapang na hamon ni Dela Rosa na sinabi pang determinado siyang tuldukan ang malalang problema ng bansa kontra droga na siyang misyon niyang isasakatuparan alinsunod sa direktiba ng bagong commander in chief.
Una nang nag-alok ng reward si Duterte sa PNP at iba pang security forces sa bawat mapapatay nilang drug lord o pushers depende sa laki ng pangalan at kanilang operasyon sa drug trafficking.
“This time, when we assume, let’s see if you can still pay,” babala pa ni Dela Rosa sa mga drug lords na magsisilbing financier upang likidahin ang incoming president at PNP chief.
Inihayag ni Dela Rosa na ang alok ni Duterte ay P5M reward kung mapapatay ang drug lord at P 4.9 M naman kung mahuhuli ito ng buhay
“The mayor (Duterte) said dead or alive but they better be dead,” giit pa ni De la Rosa .
Sinabi ni Dela Rosa na pinalalakas ng mga drug lords sa loob ng NBP ang kanilang abilidad para magbayad sa mga tiwaling pulis, piskal, huwes at mga officers sa nasabing piitan upang likidahin nila si Duterte dahil sa matinding kampaya laban sa drug trafficking sa bansa.
Magugunita na nalansag ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang shabu laboratory sa isang raid sa compound ng NBP sa Muntinlupa City.
“There are persistent reports that large amount of shabu or methamphetamine hydrochloride being peddled in the country comes from NBP where Chinese drugs lords, along with their Filipino cohorts, are detained,” ang sabi pa ng opisyal.
Nangako si Dela Rosa na kanyang lilinisin ang mga scalawags sa PNP kabilang na ang mga opisyal na isinasangkot sa illegal drug trade.