MANILA, Philippines – Sa kabila ng personal na pagpunta ng isang Chinese envoy kay Presiden-elect Rodrigo Duterte, iginiit ng incoming president na kanyang ilalaban ang teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea o West Philippine Sea.
Muling ginawa ni Duterte ang pangako na kanyang ipagtatanggol ang teritoryo ng Pilipinas mula sa mga bansang umaangkin nito tulad ng China kasunod ng positibong aksyon ng China na pakikipagkaibigan kay Duterte.
Sa huling pulong balitaan sa Davao City, sinabi ni Duterte na kahit tinanggap niya ang bumisitang Chinese Embassy official na hindi pinangalanan noong Huwebes, hindi nila tinalakay ang isyu sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS.
Matapos na manalo si Duterte sa halalan, sunud-sunod ang mga opisyales mula sa mga Embahada ng Korea, Japan at China na bumisita sa kanya sa Davao.
“I refused to discuss South China Sea. It’s something that is also dependent on the development of the arbitration case we filed,” ani Duterte sa mga reporter.
Ang tinutukoy ni Duterte ay ang usapin sa territorial o maritime dispute case ng Pilipinas laban sa China sa arbitral tribunal sa United Nations.
“I cannot talk to them (China) about anything until I get hold of the verdict, whether it’s favorable or not. Because then I’ll confirm our position,” dagdag ni Duterte.