MANILA, Philippines – Hindi pabor si incoming Philippine National Police (PNP) Chief P/Chief Supt. Ronald de la Rosa sa panukalang armasan ang mga barangay tanod sa buong bansa upang makatulong sa mga awtoridad sa pagsugpo sa kriminalidad dahil mas delikado ito.
Ayon kay de la Rosa, mga ‘non lethal weapons’ lamang ang maaari niyang aprubahan sa mga barangay tanod o force multipliers ng PNP kontra kriminalidad.
Sinabi ni dela Rosa na ayaw niyang ito pa ang maging ugat ng mga pang-aabuso ng mga barangay tanod kung pahahawakin sila ng mga baril o mahabang armas.
“Ang armas na maaari lang natin ibigay sa kanila (brgy. tanod ) ay mga “non-lethal weapons” hindi baril dahil ang baril ay “prone to abuse” ‘yan lalo na kapag kulang sa training ay disgrasya ang mangyayari,” ani dela Rosa.
Posible rin umanong magamit ng mga barangay chairmen na gamiting private army
Ginawa ni de la Rosa ang pahayag bilang tugon sa mga rekomendasyon na armasan ang mga barangay tanod upang makatulong sa mabilisang ikasusugpo ng kriminalidad.
Ipinunto ni de la Rosa na kung ang pulis nga na dumaan sa pagsasanay ay nakagagawa ng pang-aabuso bunsod ng mga hawak na armas, ang tanod pa kaya na walang training kaya delikado umano.
Una nang sinabi ni Duterte na puwedeng kunin ang mga dating mga sundalo na nawala sa serbisyo o nagretiro na mga tanod at pahawakin ng armas upang makatulong sa pagsugpo ng kriminilidad sa kani-kanilang barangay.
Naglatag na si de la Rosa ng istratehiya na siyang ipatutupad upang malipol ang mga kriminalidad at droga sa bansa.
Sa kabila nito, iginiit ng opisyal na uunahin ang paglilinis sa mga scalawags sa PNP lalo na ang sangkot sa illegal na operasyon ng droga at iba pang uri ng mga sindikatong kriminal.