Discount sa mag-aaral sa pasukan, ibigay-LTFRB
MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng mga tsuper ng mga pampasaherong sasakyan ang pagkakaloob ng 20 porsyentong diskuwento sa lahat ng mga mag-aaral ngayong pasukan.
Alinsunod sa Memorandum Circular 2011-004, ang lahat ng public utility operators ay dapat magbigay ng 20 percent discount sa mga mag-aaral na nag-enrol ngayong pasukan para sa elementarya,high school, collegiate schools kasama na ang academic, vocational o technical schools sa bansa.
Hindi naman kasama sa bibigyan ng discount ang mga estudyante sa dancing at driving schools, short term courses ng seminar type gayundin ang Post-Graduate studies tulad ng kumukuha ng medicine, law, masteral, doctoral degrees at iba pang kahalintulad na kurso.
“Maliwanag na ang sinasabing diskuwento ay para lamang sa mga piling mag-aaral, hindi na kasama ang mga nag-aaral ng medisina, abogasya, masteral, doctorate, o iba pang kurso na kaparehas na mga nabanggit. Sa oras na may pagdududa, maaaring ipakita ng mag-aaral ang kanyang school ID o Certificate of Registration.”pahayag ni LTFRB boardmember Ariel Inton.
- Latest