MANILA, Philippines – Nagmistulang ghost town ang apat na barangay sa bayan ng Butig, Lanao del Sur na sentro ng pinaigting na opensiba ng militar laban sa Maute terrorist group.
Kabilang sa itinuturing na ghost town ay ang mga Brgy. Ragayan, Pukatan, Coloyan at ang Barangay Samer na napilitang magsilikas ang mga residente sa takot na maipit sa bakbakan ng mga sundalo at lokal na terorista.
Umaabot sa 416 pamilya (2,980-katao) ang nagsilikas sa nasabing barangay simula pa nang maglunsad muli ng opensiba ang Army’s 103rd Infantry Brigade laban sa Maute terrorist na nagkukuta sa liblib na bahagi ng Brgy. Ragayan sa bayan ng Butig simula noong Linggo (Mayo 26).
Samantala, bukod sa bayan ng Butig ay may mga nagsilikas din mula sa mga bayan ng Lumbabayague, Buadipuso Buntong, Ditsaan Ramain at maging sa Marawi City sa takot na umabot ang bakbakan sa kanilang lugar.
Sa kabuuan ay nasa 4,981 katao na ang nagsilikas na residente sa mga apektadong lugar kung saan nanuluyan ang ilan sa kanilang mga kamag-anak at iilan na lamang ang nasa evacuation centers.
Sa tala ng AFP, sinabi ni AFP-Western Mindanao Command Spokesman Major Felimon Tan, nasa 54 terorista na ang napaslang habang dalawa naman sa hanay ng mga sundalo at siyam ang nasugatan.
Inihayag naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na ilan sa mga napatay na terorista ay nasa pagitan ng 18 hanggang 23-anyos na sinasabing nasa impluwensya ng droga.