MANILA, Philippines – Ibinasura na ng Sandiganbayan 3rd division ang mga kaso ni dating Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona.
Hindi naman inabot ng limang minuto ang hearing ng korte sa motion to dismiss sa mga asunto ni Corona na kinabibilangan ng perjury at paglabag sa code of conduct and ethical standards for government officials and employees.
Hindi naman tumutol pa ang prosecution dito kaya naging mabilis lang ang proseso.
Ang motion to dismiss ay inihain ng mga abogado ni Corona noong nakaraang Biyernes.
Ipinaliwanag sa mosyon na sa pagpanaw ni Corona ay nalusaw na rin ang pananagutan nito.
Ang mga kaso ni Corona sa Sandiganbayan ay kaugnay ng hindi umano naideklarang ari-arian nito sa kanyang Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) noong punong mahistrado pa siya.
Ang nasabing isyu rin ang naging basehan ng pagkaka-impeach nito.
Matatandaan na namayapa si Corona noong Abril dahil sa cardiac arrest.