MANILA, Philippines – Tinawag na ‘corrupt at biased’ ni President-elect Rodrigo Duterte ang karamihan sa mediamen kaya daw sila napapatay ang mga ito.
Sinabi ni incoming President Duterte sa kanyang press conference matapos pulungin ang kanyang gabinete sa Davao City kamakalawa, maraming mediamen na napapatay dahil karamihan ay nabigyan na pero tumitira pa din.
“Karamihan ‘yan, alam mo ‘yan nabigyan na, especially if you want to take sides, nabayaran mo na tapos you play. ‘Yan ang karamihan ng namatay. Or tumatanggap na sa mga sugarol tapos bira pa rin,” wika pa ni Duterte ng tanungin hinggil sa posisyon nito sa media killings.
“You really want the truth? ‘Yun ang truth,” giit pa ni incoming President Duterte.
Ginawa pang halimbawa ni Duterte ang Davao-based radio broadcaster na si Jun Pala na kanyang kritiko. Napatay si Pala noong 2003.
“Ang example natin dito, kung tagarito ka man, si Pala. I don’t want to demean his memory but he was a rotten son of a bitch. He deserved it. Eh ganu’n eh. Of course I know who killed him. Kasi binastos niya ‘yung tao eh,” paliwanag pa ni Duterte.
Aniya, may mga journalists kasi na sangkot sa kuwestyonableng aktibidad kaya nalalagay sa peligro ang kanilang buhay.
“Kasi kung journalist ka na tama, wala namang gagalaw sa iyo, especially if it is true. I mean, you cannot hide the truth, by the way. Iyong freedom of expression cannot help you if you have done something wrong to the guy. Do not believe it so much na you swallow it hook, line, and sinker. Alam mo na marami diyan, binabayaran, pati writers. Alam mo iyan,” wika pa ng incoming president.Umani naman ng pagbatikos mula sa National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) at National Press Club (NPC) ang akusasyon ni Duterte hinggil sa media killings.
Kinontra din ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. ng Malacanang ang pahayag ni Duterte at sinabing hindi tama ang pahayag na ang dahilan ng media killings o pag-atake sa mga mamamahayag ay dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa katiwalian o media corruption.
Maging si Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat ay nabahala sa sinabi ni Duterte at sinabing malaking dagok ito sa tungkulin ng mamamahayag.