MANILA, Philippines – All accounted na ang tatlong nawawalang pulis matapos ang marahas na pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Governor Generoso sa Davao Oriental noong Mayo 29 ng gabi.
Sinabi ni P/Supt. Antonio Libot, spokesperson ng Davao Oriental Police Provincial Office, narekober na si PO3 Edmund Garrido, isang babaeng pulis at isang sibilyan.
Ayon kay Libot, si Garrido ay nagkubli lamang sa kainitan ng bakbakan matapos itong maubusan ng bala.
Samantala, ang dalawa pa na isang babaeng pulis at isang sibilyan ay ginawa lamang human shield ng mga rebelde laban sa tumutugis na puwersa ng gobyerno.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na ang hepe ng Gov. Generoso PNP na si P/Chief Inspector Arnold Ongachen ang tanging tinangay ng mga rebelde.
Nasa maayos nang kalagayan ang sugatang pulis na si PO2 Johnray Cinco na patuloy na nagpapagamot.
Sa kasalukuyan, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung may naganap na kapabayaan ang mga pulis na nakatalaga sa sinalakay at natangayan ng armas.
Magugunita na noong Mayo 29 ng gabi ay nilusob ng mga rebelde ang nasabing himpilan at bagaman nanlaban ang mga pulis ay naubusan ng bala. Nagawa namang matangay ng mga rebelde ang mga armas.