MANILA, Philippines – Nais ni Senator Vicente “Tito” Sotto III na isama sa listahan ng mga ipinagbabawal na gamot ang isang uri ng muscle pain killer na may brand name na “WariActiv” na nabibili lamang over-the-counter o kahit na walang riseta ng doktor na hinihinalang kabilang sa substance na ginamit at ikinasawi ng limang katao sa isang mall concert sa Pasay City noong Mayo 21.
Kasabay ang kanyang privilege speech, ipinakita mismo ni Sotto sa plenaryo ang nabiling isang lata ng WariActiv na kalimitang ginagamit ng mga gym buffs, bikers, at sports enthusiasts para sa kanilang muscle pain.
Pero sa halip umanong i-spray sa nananakit na kalamnan, ginagawang nasal spray o sinisinghot ng mga nag-aadik ang nasabing over-the-counter commodity na mabibili sa halagang P750-P1,500.
“I have now come into a conclusion that there is a newcomer in the list of suspected killer substances when inhaled or misused, a well know muscle pain killer that goes by the brand name WariActiv. It is presently an over-the-counter commodity in our drug stores and sold even via the internet, for Php 750 up to P1,500. It is promoted at the internet for people who go to rave parties and just want to be happy,” ani Sotto.
Sa kanyang impormasyon, sinabi ni Sotto na kabilang ang nasabing substance sa sininghot ng limang namatay sa “Closeup Forever Summer” concert na sina Bianca Fontejon, 18; Ken Migawa, 18; Ariel Leal, 22; Eric Anthony Miller, 33; at Lance Garcia, 36.
Dahil dito, nais ni Sotto na magsagawa agad nang pagsusuri ang Dangerous Drugs Board at PDEA sa nasabing muscle spray upang magpatupad ng protocol para sa pagbili nito.