Cayetano inendorso ni Pacquiao na Senate prexy

Sinabi naman ni Senador Alan Peter Caye­tano na hindi niya hihingiin kay president elect Rody Duterte na iendorso siya o sinuman sa liderato ng Senado sa halip ay nais lamang umano nitong pagtuunan ay kung paano masusuportahan ang bagong pangulo sa kanyang mga legislative agenda. File photo

MANILA, Philippines - Isang resolusyon ang umano’y pinirmahan  ni incoming Senador Manny Pacquiao na nagsusulong kay Senador Alan Peter Cayetano na maging susunod na Senate President.

Nabatid na nilagdaan umano ni Pacquiao ang resolusyon sa harap mismo ni president elect Rody Duterte  sa paghaharap nila noong Sabado kung saan nagpapahayag ang Senator-elect ng suporta kay Cayetano.

Sa kabila ito ng naunang pahayag ni Duterte na wala siyang lantarang iniindorso sa nasabing posisyon dahil naniniwala ito sa pagiging independent ng Kongreso.

Hindi naman ipinama­hagi sa media ang nasa­bing resolution subalit may ilang reporter ang nakakuha nito kung saan nakasaad.

“The Senate of the Philippines expresses its confidence and support in the leadership of Senator Alan Peter S. Cayetano, whom we believe will fulfill the legislative agenda of the new administration... Now, therefore, be it resolved, Senator Alan Peter S. Cayetano assumes the Senate Presidency in the 17th Congress of the Republic of the Philippines,” nakasaad sa resolution.

Sinabi naman ni Caye­tano na hindi niya hihingiin kay Duterte na iendorso siya o sinuman sa liderato ng Senado sa halip ay nais lamang umano nitong pagtuunan ay kung paano masusuportahan ang bagong pangulo sa kanyang mga legislative agenda.

Ipinagmalaki pa ni Ca­ye­tano na kung kahapon gagawin ang halalan, tiyak na 15 ang boboto sa kaniya.

 “Kung ngayon ang election, there are more than 15 or there are about 15 that have committed, but as I’ve said hindi naman ngayon ang election,” ani Cayetano.

Nagpahayag naman si Senate Franklin Drilon na nakahanda na siyang bumaba sa puwesto.

“I have always said that whoever has 13 signatures electing Senator XYZ to lead the 17th Congress, I am willing to yield the Senate presidency,” ani Drilon.

Sinabi ni Drilon na sinumang makapagpakita sa kaniya ng resolusyon na may lagda na ng 13 senador at sinasabing sumusuporta sila sa bagong presidente ng Senado ay kanyang tatanggapin.

 Bukod kay Cayetano, kabilang sa mga nagpaha­yag na ng kagustuhang maging susunod na lider ng Senado sina Senator Vicente “Tito” Sotto III at Aquilino “Koko” Pimentel.

Show comments