Pagsasabatas ng agricultural smuggling pinuri ni Villar
MANILA, Philippines - Pinuri ni Sen. Cynthia Villar ang pagsasabatas ng panukalang nagpapataw ng mas mataas na multa laban sa smuggling ng mga produktong pang agrikultura.
Tiniyak ni Villar, chair ng Committee on Agriculture and Food at principal sponsor ng panukalang batas na paiigtingin nito ang kampanya laban sa smuggling na patuloy na banta sa kabuhayan ng mga magsasaka at sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Mayo 23 ang Republic Act No. 10845 o ang batas na nagdedeklara sa large-scale agricultural smuggling bilang economic sabotage.
“With this measure now enacted, we have a better shot at curbing the perennial problem of smuggling in the agriculture sector. Harsher penalties are now imposed to serve as deterrent to smuggling activities,” ani Villar.
Umaasa rin ang Nacionalista Party senator na bubuti ang proseso ng prosekusyon matapos gawin ang smuggling bilang non-bailable charge.
Sa ilalim ng bagong batas, upang maging economic sabotage, dapat na P10 million o higit pa rito ang halaga ng smuggled agricultural product para sa bigas at P1 million o mahigit pa rito para sa asukal, mais, baboy, bawang, sibuyas, carrots, isda at ang mga tinatawag na “cruciferous vegetables.”
Ang mga lalabag ay makukulong at pagmumultahin ng doble sa fair value ng smuggled agricultural products at aggregate amount ng taxes, duties at iba pang iniwasang buwis.
- Latest