MANILA, Philippines – Si Reghis Romero II pa rin ang legal na nagpapatakbo at may control ng Harbour Centre Port Terminal, Inc.
Ito naman ang binigyan linaw ng HCPTI kung saan sinasabing hindi kasama sa dinesisyunan ng Court of Appeals ang isyu hinggil sa kung sino ang nagmamay-ari ng P5 milyong pasilidad nito.
Ayon kay HCPTI Corporate Lawyer Eugene M. Santiago, hindi tinalakay sa ipinalabas na desisyon ng CA ang isyu kung lehitimo ang Board of Directors ng Harbour Centre Port Terminal, Inc., ang legalidad ng kontrata ng Port Ancillary Services Contract at Port Services Management Contract. Bagkus ang mga isyung ito ay ibinalik sa kamay ng Regional Trial Court kung saan ang kaso ay nakabinbin.
Hindi rin aniya sinabi ng CA na ibinibigay nito ang pamamahala ng HCPTI kay Michael L. Romero sa One Source Support Services Inc., (One Source) o sa kahit na kaninong agents nito o empleyado o representante. Ang lahat ng isyung ito aniya ay ibinalik ng CA sa mababang hukuman.
Binunyag pa ni Santiago na ang One Source ay subcontractor lang umano ng batang Romero at ginagamit lang ito upang hakutin ang pera ng HCPTI. Ang usaping ito naman aniya ay nakasampa na rin sa korte.
Sa record, ang kaso kung sino ang tunay na may-ari at dapat na magpatakbo ng HCPTI ay hinawakan na ng 17-Mahistrado ng CA kung saan ang lahat ng ito ay na-pressure na umano ng batang Romero upang bitawan ang kaso. Ang taktikang ito ay muling ginamit ng nasabing negosyate kay CA Special Second Division Justice Danton Bueser matapos na magpalabas ng 3-0 votes para sa Temporary Restraining Order at Writ of preliminary injunction na nagbabawal kay Michael Romero na pakialaman at kamkamin ang HCPTI.
Nilinaw pa ni Santiago na ang desisyong ipinalabas ng CA noong December 1, 2014 ay pagkukumpirma lang sa ipinalabas na desisyon ng RTC para sa 20-araw na TRO at ito ay maituturing na paso. Maging ang desisyon ng CA noong Mayo 12, 2016 ay hindi pa rin naman pinal at hindi maaaring maipatupad dahil sa motion for reconsideration na naisampa dito.