MANILA, Philippines – Sinampahan kahapon ng kasong paglabag sa Cybercrime Law ng kampo ni Vice Presidential candidate at Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Smartmatic at ilang personnel ng Commission on Elections (Comelec) hinggil sa ilegal na pagpapalit ng script ng transparency server noong gabi ng May 9 elections.
Sa 15-pahinang reklamo na inihain sa Manila Prosecutor’s Office ni Abakada Rep. Jonathan dela Cruz, campaign adviser ni Marcos, kinasuhan sina Smartmatic personnel Marlon Garcia, isang Venezuelan national at head ng Technical Support Team; Elie Moreno, Israeli national at project director, Neil Banigued at Mauricio Herrera, miyembro ng Technical Support Team; at Comelec IT experts na sina Rouie Peñalba, Nelson Herrera at Frances Mae Gonzalez na pawang mga nakatalaga sa Comelec Information Technology Department (ITD) ng paglabag sa Section 4(a) ng Cybercrime Prevention Act of 2012 o R.A. 10175.
Kasama si Atty. Jose Amor Amorado, head ng BBM Quick Count Center, sinabi ni dela Cruz na malinaw na nilabag ng grupo ang Section 4(a) nang sadyain nilang palitan ang computer data nang walang paalam sa mga kinauukulan.
Ani dela Cruz, ang mga respondents ay ang siyang dapat magbigay ng katiyakan nang pagkakaroon ng kredibilidad ng eleksiyon sa pamamagitan ng transparency server sa Pope Pius XII Catholic Center Building sa Manila. Wala naman umanong iba pang personnel ang pinapayagan sa transparency server maliban sa Comelec, sa pamamagitan ng ITD.
Nilabag umano ng mga respondents ang pamantayan nang pumasok sila sa transparency server at palitan ang script nang walang awtorisasyon habang isinasagawa ang bilangan. Hindi rin umano mabubuksan ang server nang walang basbas mula sa Comelec IT personnel dahil sila lamang ang may alam ng password upang mabuksan ito.