MANILA, Philippines – Inamin ni Sen. Ferdinand Marcos Jr. na wala pa siyang ebidensiya para masabing nagkaroon nga ng pandaraya sa transparency server na ginamit sa canvassing.
Ito ang lumitaw sa paggisa ni Sen. Bam Aquino, campaign manager ng nangungunang vice presidential candidate na si Rep. Leni Robredo, kay Marcos sa sesyon ng Senado noong Lunes.
“Kung kayo na po mismo ang nagsabi na hindi po natin alam kung ano ang nangyari, hindi po ba premature na sabihin na may pandarayang nangyari,” tanong ni Sen. Bam kay Marcos sa interpellation.
“Wala pa akong sinasabi na may nangyaring pandaraya sa server,” sagot ni Marcos, na sinabi sa kanyang privilege speech na naglaho ang kanyang lamang matapos ipasok ng Smartmatic sa transparency server.
Hinamon din ni Aquino si Marcos na suportahan ang kanyang alegasyon ng tamang data at numero upang mabigyang katuwiran ang kanyang hiling na buksan ang server para sa pagsusuri.
Sa pagtatapos ng bilangan ng Commission on Elections (Comelec), batay sa website nito na Pilipinashalalan2016.com, nasa 262,609 ang lamang ni Robredo kay Marcos.
Batay sa nationwide certificates of canvass (COCs) mula sa lahat ng lalawigan at highly urbanized cities, nakakuha si Robredo ng 14,322,666 boto habang si Marcos ay may 13,963,767 boto o lamang na 358,899.
Sa boto mula sa Overseas and Local Absentee Voters and Detainees, nakakuha si Marcos ng 188,959 boto laban sa 92,669 ni Robredo. Ito’y katumbas ng 96,290 kalamangan para kay Marcos.
Samantala, inanunsiyo ni election lawyer Romy Macalintal, ang lead legal counsel ni Robredo sa bilangan ng boto sa Kongreso, na makakasama ng legal team si senator-elect at dating Department of Justice (DOJ) secretary Leila de Lima.
Tatayo si De Lima, na kilalang election lawyer bago naitalagang chairperson ng Commission on Human Rights, bilang co-counsel ni Macalintal.
Kahapon, muling iginiit ni Macalintal na walang kuwestiyon ang panalo ni Robredo sa 2016 polls at ang hiling na system audit ni Marcos ay patunay lang na wala itong ebidensiya.