MANILA, Philippines – Nagbukas na kahapon ang joint session ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso o Kamara para sa canvassing ng boto sa mga kandidato ng pagka-pangulo at pangalawang pangulo.
Sa pamamagitan ng House Concurrent Resolution 015 o “Concurrent Resolution providing for the House of Representatives and the Senate to hold a Joint Public Session to canvass the votes cast for President and Vice President in the National elections held on May 9, 2016 and proclaim the President-elect and Vice-President-elect” na inihain nina Speaker Feliciano Belmonte, Majority leader Neptali Gonzales II at minority leader Ronaldo Zamora ay nagbukas ang sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ang nasabing sesyon ay binubuo ng 9 na senador, 9 na kongresista at pamumunuan nina Senate President Franklin Drilon at Belmonte bilang co-chairman.
Pinaamyendahan ni Senator Tito Sotto sa Section 10 ang pagsisingit ng phrase na “Any issue involving the position of President and Vice President maybe decided separately to avert any delays”. Sa bandang huli, binawi din niya ang kanyang amendment matapos na aprubahan ng Senado ang mosyon ni Cayetano na i-approve ang canvass rule.
Humirit naman si Abakada partylist Rep. Jonathan dela Cruz na ihiwalay ang canvassing ng certificate of canvass (COC) para sa presidente at Bise Presidente subalit hindi ito naaprubahan.
Matapos ito, binuksan na ni Drilon ang Consolidation and Canvassing System na hudyat ng pagsisimula ng bilangan ng boto ng mga kumandidatong presidente at bise Presidente ng katatapos na halalan. Unang ininspeksyon at binuksan ang ballot box ng COC mula sa Local Absentee voting habang pormal na itinakda naman ang pagsisimula ng bilangan ng balota para sa presidente at bise presidente dakong alas-2 ng hapon ngayong araw Mayo 25.