MANILA, Philippines – Doble pasakit ang mararanasan ng publiko dahil sa inaasahang pagtataas sa presyo ng krudo at gasolina sa darating na linggo habang nakatakda namang magtaas ng singil sa kuryente sa darating na buwan ng Hunyo.
Sa pagtataya ng mga oil industry experts, maaaring umakyat ng hanggang P1 ang kada litro ng diesel habang P1.30 kada litro naman ng gasolina. Mula nitong Enero, nasa P2 na ang itinaas sa presyo ng gasolina habang P3 naman sa diesel. Nitong Mayo 17, naglalaro sa P23.75-P28.60 ang presyo ng diesel habang nasa P35.15-P42.25 ang kada litro naman ng gasolina sa Metro Manila.
Samantala, inaasahan rin naman ang pagtaas sa singil sa kuryente makaraang aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang dagdag na P.065 na singil sa kada kilowatt hour sa kuryente.
Ipinaliwanag ni ERC spokesperson Florensinda Digal na ang dagdag-singil ay mapupunta sa “differential ancillary service charge”. Ang “ancillary charges” ay mga bayad sa “back-up services” na hindi nakukumpletong bayaran mula 2008-2009.
Isinampa ng National Grid Corporation of the Philippines (NCGP) ang petisyon para sa dagdag singil noong Mayo 20, 2009 at nadesisyunan noong Marso 2, 2010 habang ngayon lamang 2016 maipatutupad.
“The 6.5 centavos represents the translation into peso per kwh of the total differential amount determined by the commission at P5.2 billion plus applicable VAT,” ayon kay Digal. Ang naturang dagdag-singil ay lilitaw sa electric billing sa Hunyo.