Bangladesh inip na sa $81 M
MANILA, Philippines - Inip na si Bangladesh Ambassador to the Philippines Maj. Gen. John Gomes (Ret.) na hindi pa rin naibabalik ang $81 milyong ninakaw sa kanilang bangko na napunta sa RCBC bago napunta sa mga casino at ilang pribadong indibidwal sa Pilipinas.
Sa ika-pito at huling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona sa Bayview Park Hotel sa Roxas Blvd., kinuwestiyon ni Gomes kung ano pa ang saysay na ipinakita sa kanila ang bahagi ng naibalik na pera kung hindi naman maisosoli sa kanila.
“Three to five months (para ibalik ang pera) is very, very long. We expect no opposition. If Kim Wong is giving the money, how can he oppose?,” tanong ni Gomes sa pagdinig.
Ipinunto pa ni Gomes na ang Bangladesh lamang ang nag-iisang claimant ng pera at umaasa silang tutuparin ang naunang pangako na maibabalik sa kanila ang ninakaw na salapi.
Giit pa ni Gomes, magiging sampal sa kanyang mukha kung hindi mabawi ang pera at napakatagal anya kung maghihintay pa sila ng panibagong tatlo hanggang limang buwan. Pero kinikilala at handa naman daw nilang sundin ang legal na proseso sa Pilipinas para sa pag-turnover ng pera.
Sinabi rin ni Gomes na naniniwala silang mayroon pang bahagi ng pera ang nasa Philrem at kay Weikang Xu at hinihiling nilang ibalik na ito.
Ayon kay Anti-Money Laundering Council Executive Director Julia Bacay-Abad, na-account na nila ang nasa $60 milyon sa nanakaw na pera ng Bangladesh at $21M pa ang nawawala.
Bahagi rin ng $60M ang $17M na pinaniniwalaang nasa Philrem Remittance Service, ang kompanya ng sinasabing pinagdaanan ng pera mula sa RCBC patungo sa mga casino partikular kina Kim Wong at Weikang Xu.
Kung pagsasamahin ang $17M at $21M, lumalabas na $38M pa ang hindi makita sa ninakaw na $81M.
Hindi naman sumipot sa pagdinig ang mga opisyal ng Philrem na sinasabing may hawak pa ng $17M.
- Latest