MANILA, Philippines - Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers ang Department of Education at ang Commission on Elections sa patuloy na pagkabigo nitong bayaran ang mga gurong nanilbihan sa nagdaang pambansang halalan lalo na yaong mga nanungkulan bilang Board of Election Inspectors at support staff.
Ginawa ng ACT ang pagkondena dahil sa mga ulat na marami pang mga guro na nagsilbing BEI at support staff noong eleksyon ang patuloy na naghihintay ng kanilang kompensasyon o honorarium mula sa Comelec.
Pinuna ni ACT National Chairman Benjie Valbuena na tapos na ang eleksyon pero hindi pa rin naibibigay sa naturang mga guro ang kaukulan nilang mga honorarium sa kabila ng pagtaya ng kanilang buhay sa paggampan ng kanilang tungkulin para lang matiyak na magiging malinis, maayos at payapa ang halalan lalo na nang may masirang mga Vote Counting Machines.
Sinabi pa ni Valbuena na ang pagkakaantalang ito ng kompensasyon ay nagiging dahilan para maging nakakatakot para sa mga guro ang manilbihan sa eleksyon. Marami sa kanila ang pagod na pagod at gutom dahil walang makain at walang masakyan.
Batay anya sa R.A. 10756 o Election Service Reform Act, ang kompensasyon ay dapat direktang ibigay sa mga BEIs, DepEd supervisors at iba pang support staffs sa loob ng 15 araw pagkatapos ng eleksyon.
Hindi na anya dapat hintayin ng Comelec na sagarin ang takdang panahon sa pagbabayad dahil karapat-dapat lamang sa kanilang kompensasyon ang mga guro.
Ayon sa mga reklamong tinanggap ng ACT, marami sa mga guro sa buong bansa ang binigyan ng ATM card at cash card nang walang pondo. Sabi ni Valbuena, “ginampanan ng mga guro ng maayos ang kanilang trabaho kaya dapat bayaran nila kami”.