MANILA, Philippines - Huwag sanang maulit ang nangyari noong 1986.
Ito ang hiling ng nangungunang vice presidential candidate na si Leni Robredo sa harap ng iba-ibang numero na pinalulutang ng kanyang katunggaling si Ferdinand Marcos Jr. ukol sa resulta ng bilangan.?
Ayon kay Robredo, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalimutan ng taumbayan ang nangyari kung saan nag-walk-out ang mga tabulator dahil sa talamak na pandaraya sa halalan noong 1986.
“Hindi ko alam kung saan patungo ang script na ginagawa nila. Sana lang walang balak na pandaraya. Kasi alam naman natin na may history na ganoon,” wika ni Robredo sa panayam sa Naga City.?
Nababahala si Robredo dahil iba ang bilang na ibinibida ni Marcos sa bilang ng kanyang kampo at maging ng Commission on Elections (Comelec), gayong sa iisang SD card lang nagmula ang mga ito.?
“Sana hindi ito precursor sa isang plano na hindi maganda,” wika ni Robredo.
Nag-aalala si Robredo na ito’y bahagi lang ng mind conditioning ng kampo ni Marcos dahil sa ngayon, malinaw na ang mga lumalabas na numero mula sa PPCRV at Comelec.
“Sa akin lang. Sana wala silang binabalak na pandaraya na gagawin sa canvassing. Kasi yung wino-worry ko ngayon klaro naman ang numero pero parang mina-mind condition nila,” ani Robredo.