Mas magandang Pilipinas mamanahin ng susunod na gobyerno - PNoy

MANILA, Philippines – “Mas magandang Pilipinas ang mamanahin ng susunod administrasyon,” ayon kay Pangulong Aquino.

Binigyang-diin din ng Pangulo na wala siyang ikakahiya at pagsisisi bagkus taas-noo siyang bababa sa puwesto pagsapit ng tanghali sa June 30 dahil mas magandang Pilipinas ang kanyang iiwan at mamanahin ni President-elect Rodrigo Duterte.

“I am leaving behind a much better Philippines,” wika ni PNoy sa ceremonial signing ng RA10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act sa Malacañang.

Sinabi ng Pangulo, matiwasay siyang aalis sa puwesto at mata sa matang masasabi sa sambayanang tumotoo siya at tinupad ang mandatong ipinagkaloob sa kaniya.?

Ayon pa sa Pangulo, maipapamana daw nito sa susunod na heneras­yon ang isang Pilipinas na hindi hamak na mas maganda kaysa raw sa dinatnan.

Kinilala naman ng Pangulo na ito ay dahil nagtulungan ang mga Pilipino, inangat ang isa’t isa at inuna ang kapwa at bayan, bago ang sariling kapakanan.

Samantala, siniguro ng Malacanang na bababa pagdating ng ?June 30 ang lahat ng presidential appointees ni PNoy.

Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, ang mga may fixed terms lamang na itinalaga ng Pangulo ang maiiwan sa kanilang mga puwesto sa mga constitutional commissions tulad ng Commission on Human Rights (CHR), Commission on Elections (Come­lec), Commission on Audit (COA).

Idinagdag pa ni Coloma, hindi naman maaa­pektuhan ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan kapag bumaba ang mga presidential appointees dahil may mga maiiwan namang mga opisyal na hindi co-terminus sa Pangulo na mga go­vernment workers.

Show comments