MANILA, Philippines – Ang mga panukalang batas na Charter Change (Chacha) sa pamamagitan ng Constitutional Assembly (Con-Ass), Federalism at death penalty ang pangunahing agenda na tutukan ni incoming Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, sa oras na ito ay maupo na bilang House Speaker ng 17th Congress.
Kaagad namang isinantabi ni Alvarez ang pangambang magkaroon ng Martial Law.
Paliwanag ni Alvarez, ang unang tatlong nabanggit ang gustong ma-execute o maisakatuparan ni incoming President Rodrigo Duterte.
Idinagdag pa nito na ang Federalism at panukalang death penalty ang may personal na tulak ni Duterte at nais magkatotoo sa pamamagitan ng Kongreso.
Tiwala naman si Alvarez na makakalusot ang death penalty sa Mababang Kapulungan.
Umaasa rin ito na sa kanyang posibleng speakership, ay magkakaisa ang mga mambabatas para maisulong ang mga lehislasyon na bahagi ng inaasam na pagbabago.
Sa ngalan din umano ng Duterte administration, ay nagpapasalamat si Alvarez sa lahat ng mga Kongresista na nagselyo na ng suporta sa kanya.