Duterte ‘di ipakukulong ang mga karibal sa politika

MANILA, Philippines – Walang balak ipakulong ni presumptive president Davao City Mayor Rodrigo "Rody" Duterte ang kaniyang “political enemies” kapag pormal na siyang umupo bilang pinuno ng bansa.

Sinabi ni Duterte na kukuwestiyonin lamang niya ang mga karibal niya sa politika ngunit hindi aabot sa puntong ipakukulong niya ang mga ito.

"Maybe, when I sit as president, I will be asking, but I am not going to prosecute," wika ni Duterte sa kaniyang panayam kay Jessica Soho ng GMA News kahapon.

"I am not up to it, actually, going after political enemies," dagdag niya.

Aniya handa siya sa mga ibabato sa kaniya ng mga kritiko dahil parte ito ng kaniyang trabaho at karapatan ito ng bawat Pilipino.

"'Yung criticisms, good or bad, true or not, is part of the territory of governance in public," patuloy ng kasalukuyang alkalde ng Davao.

"I may disagree with what you say but I will defend your right to say it. We are in a democracy.”

Ilan sa mga nais niyang mangyari sa gobyerno ang pagkakaroon ng transparency upang makita ng publiko ang ginagawa ng mga opisyal.

Sa kaniyang nakatakdang pag-pasok sa Malacanang ay naibahagi na rin niya ang ilan sa mga nais niyang maging miyembro ng kaniyang gabinete.

Isa rito ay si Las Pinas Rep. Mark Villar na iiwanan ang pwesto sa Kamara upang pamunuan ang Department of Public Works and Highways.

Hindi pa man opisyal na nabibilang ang mga boto sa Kongreso ay lamang na lamang si Duterte sa quick poll ng PPCRV mula sa transparency server ng Commission on Elections.

Binati na rin naman ng iba pang presidential candidate si Duterte.

Show comments