Villar, nag-iisang bilyonaryo sa Senado, Escudero pinakamahirap
MANILA, Philippines – Pinakamayaman pa rin sa Senado si Senator Cynthia Villar na mas nadagdagan pa ang kayamanan na umaabot na sa P3.5 bilyon ang net worth samantalang naitala namang pinakamahirap si Sen. Chiz Escudero base sa isinumite nilang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) para sa taong 2015.
Noong 2014 idineklara ni Villar ang net worth na P1.983 bilyon pero mas nadagdagan pa ang kayaman nito noong nakaraang taon at naging P3,500,565,480.
Wala ring idineklarang utang si Villar, asawa ni dating senator Manny Villar na kilalang nasa real state business at pumasok na rin sa negosyo ng convenient stores.
Sa panayam sa telepono, sinabi ni Villar na ang kanyang asawa ang responsable kung bakit mas lumaki pa ang kanilang kayamanan. Ito rin umano ang nakakaalam sa lahat ng kanilang negosyo.
Pinakamahirap na senador naman si Escudero na umaabot na lamang ang net worth sa P5.847 milyon noong 2015 mula sa dating P6.049 milyon noong 2014.
Pumangalawa kay Villar bilang pinakamayaman si Sen. Ralph Recto na may net worth na P532 milyon; pangatlo si Sen. Ferdinand Marcos Jr., P211 milyon; Sen. Jinggoy Estrada, P193 milyon; Sen. Bong Revilla, P173 milyon; Senate Minority Floor Leader Juan Ponce Enrile, P122 milyon; Sen. Sonny Angara, P118 milyon; Senator Teofisto Guingona III, P104 milyon; Sen. Sergio Osmeña III, P90 milyon at Sen. Grace Poe, P89 milyon; Sen. Miriam Defensor-Santiago, P86 milyon; Senate President Franklin Drilon: P79 milyon; Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, P 78 milyon; Sen. Pia Cayetano, P73 milyon; Sen. Vicente “Tito” Sotto III, P67 milyon; Senator Nancy Binay, P61 milyon; Sen. Lito Lapid, P43 milyon; Sen. Loren Legarda, P41 milyon; Sen. Bam Aquino, P29 milyon; Sen. Alan Peter Cayetano, P24 milyon; Sen. Gringo Honasan, P21 milyon; Sen. Aqulino “Koko” Pimentel III, P18 milyon, at Sen. Antonio Trillanes IV, P6 milyon
- Latest