MANILA, Philippines - Binalaan ni presumptive President Rodrigo Duterte ang mga corrupt na police officials na may mga kaso na mas mabuting mag-retire o mag-resign o ipapadala niya ang mga ito sa mga lugar kung saan ay naroroon ang Abu Sayyaf.
Sinabi ni Duterte sa media briefing nito sa Davao City, kung hindi aalis sa PNP ang mga police scalawags na ito ay dapat maghanda na sila dahil sa pag-upo nito ay ipapadala niya ang mga ito sa mga lugar kung saan ay mayroong Abu Sayyaf.
Aniya, mas makakabuti na kusang umalis na agad sa PNP ang mga police scalawags na ito bago siya umupo sa puwesto dahil kung hindi ay maghanda na sila dahil ipapatapon sila sa mga lugar kung saan ay laganap ang kidnapping incident ng Abu Sayyaf.
“At kapag kayong mga scalawags na ito ang nakidnap ng Abu Sayyaf ay huwag na kayong umasa na magbabayad ako ng ransom para sa inyo,” paliwanag pa ni Duterte sa media briefing nito sa Matina enclaves kung saan temporary na nag-oopisina ang presumptive president.
Samantala, nagbabala din ang presumptive president sa congressional investigation na huwag na huwag nitong babastusin ang mga heneral na dumadalo sa hearing tulad ng ginawa kay yumaong Defense Sec. Angelo Reyes.
Aniya, hindi niya hahayaan na bastusin ang mga heneral na iniimbitahan sa congressional inquiry dahil kapag ginawa ito ay “tayo ang magkakabangga”.
Aatasan din ni Duterte ang mga barangay officials na sila ang mamuno ng paglaban sa droga upang tuluyang masugpo ito sa barangay level pa lamang.