MANILA, Philippines – Dinala na kahapon sa Senado ang unang batch ng Certificate of Canvass (COCs) at Election Returns mula sa nakaraang presidential at vice presidential elections na bibilangin ng dalawang kapulungan ng Kongres na tatayong National Board of Canvassers (NBC).
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, dadalhing lahat sa House of Representatives sa Batasan Complex, Quezon City ang mga COCs kung saan doon gagawin ang opisyal na canvassing.
Base sa isinasaad ng Konstitusyon, ang Kongreso at hindi ang Commission on Elections ang magpo-proklama ng bagong presidente at bise presidente.
Posibleng bago matapos ang buwan ng Hunyo ay maiproklama na ang mananalong presidente at bise presidente sa katatapos na halalan.
Ayon kay House of Representatives Public Relations and Information Bureau (PRIB) Executive Director Rica dela Cuesta, magbubukas ang sesyon ng kongreso sa Mayo 23.
Base umano sa proseso magpapasa muna ang Kamara at Senado ng resolusyon para sa joint canvassing.
Pagkatapos umano na ma-adopt ang joint resolution ay saka naman bubuo ng joint panel commiittee na silang tatayong National Board of Canvassers.
Hanggang sa Hunyo 9 lamang ang sessyon para sa sine die adjournment ng kongreso kaya inaasahan nila na hanggang June 8 ay maipoproklama na ang nanalong Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Subalit maaari pa umano itong mapaaga, lalo na kung titignan noong 2010 canvassing sa presidential at vice presidential posts ay inabot lang umano ng 10 araw ang Kongreso at nakapagproklama na sila ng nanalong kandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.