MANILA, Philippines – Inilabas na ng kampo ni President-Elect Rodrigo Duterte ang bubuo ng kanyang Transition Team bilang paghahanda sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan ng Malacañang sa alkalde sa sandaling maiproklama na ito.
Sinabi ni Atty. Peter Lavina, ang transition team ng Duterte camp ay sina Leoncio Evasco Jr. na campaign manager ni Mayor Digong; Christopher “Bong” Go, assistant campaign manager at executive assistant ng alkalde; Carlos Dominguez; Atty. Loreto Ata, Atty. Salvador Medialdea at Lavina.
Ang transition team ni Duterte ang makikipag-ugnayan naman sa transition committee na binuo ni Pangulong Aquino na pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr.
Inatasan ni PNoy si Ochoa na bumalangkas ng isang administrative order (AO) sa pagbuo ng Transition Committee para sa pagpasok ng Duterte administration sa June 30.
“I talked to Mr. Bong Go yesterday to relay to Mayor Duterte that an Administrative Order (AO) is being drafted designating the Executive Secretary as head of the transition team. I further offered that the Cabinet stands ready to brief his team on any and all of their concerns. Lastly we are committed to effecting the smoothest transition possible,” ani Communications Sec. Sonny Coloma.
Bagama’t hindi personal na nakausap ng Pangulong Aquino si Duterte, ipinarating na lang nito kay Bong Go, executive assistant ni Mayor Duterte, ang pagbati sa nanalong Pangulo.
Nauna rito, tinanggap na ng Palasyo ang boses ng taumbayan na si Duterte na ang nanalong Pangulo.
Nilinaw naman kahapon ng kampo ni Duterte na kahit nakaupo na ito sa Malacañang ay ‘mayor’ pa rin ang itawag sa kanya kaysa Pangulong Duterte o President Rody.
Sinabi ni Go, nagpapahinga pa ang alkalde sa isang undisclosed na lugar upang makapag-relax ito sa 90 days na kampanya at bago siya maiproklama bilang susunod na pangulo ng bansa.