OFWs sa US ibabasura si Digong

MANILA, Philippines - Walang maaasahang boto si Davao City Mayor Rodrigo Duterte mula sa mga OFWs at Fil-Am kasunod ng kanyang pahayag na nakahanda siyang putulin ang relasyon sa Estados Unidos at Australia kapag nahalal siyang presidente.

Nagkaisa ang grupo ng OFWs at Fil-Ams na huwag suportahan si Duterte at sa halip ay tumulong sa pag-eendorso ng ibang kandidato para masigurong hindi mailuluklok sa Malakanyang ang alkalde.

“Kahit sino ang manalo huwag lang si Duterte,” ayon sa grupo.

Sinabi ng grupo na ang gagawing pagputol ni Duterte sa relasyon sa dalawang bansa ay hahagupit sa ekonomiya ng Pilipinas kung saan maraming Pinoy ang mawawalan ng trabaho.

Napag-alaman na sa gagawin ni Duterte ay may $26.4 bilyon o katumbas na P1.233 trilyong kabuuang investment na kinabibilangan ng business process outsourcing o call center industry ang posibleng mawala sa Pilipinas.

Sa two-way trade ng Pilipinas at Australia ay may AU$3-B o US$2.40-B naman ang nakataya.

May 200 Australian companies ang nasa bansa na nagbibigay ng 15,000 hanggang 18,000 trabaho sa mga Pinoy.

Ang Amerika naman ang pinakamalaking foreign investor sa Pilipinas sa mahigit 100 taong commercial relationship ng dalawang bansa.

Nangangamba naman ang pamilya ng mga OFW at Fil-Am sa Pilipinas na magiging mahirap na ang komunikasyon nila sa mga mahal nila sa buhay sa sandaling maputol ang ugnayan sa Amerika at Australia. 

Magugunitang nagbanta si Duterte na puputulin ang diplomatikong ugnayan sa US at Australia makaraang birahin siya ng mga ambassador ng dalawang bansa dahil sa kanyang masamang biro sa isang Australian missionary na ni-rape at pinatay sa isang jail riot sa Davao City noong 1989.

Show comments