MANILA, Philippines - Isang kapana-panabik na pangyayari na hindi dapat palampasin ng mga taong nagmamahal sa San Juan! Inisyatibo ito ng Liga ng mga Brodkaster sa Pilipinas, Inc. (LBPI) na pinangungunahan ng pangulo nito na si Rolando “Lakay” Gonzalo at chairman of the board Mike Abe, mga batikang komentarista sa radyo, diaryo at telebisyon na sila rin ang magsisilbing “moderators” ng naturang debate.
Inimbitahan sa naturang paghaharap ang mga kinatawan ng Team Puso sa pangunguna ng kandidato nito sa pagka-alkalde ng San Juan na si incumbent Mayor Guia Gomez at ang grupo ng makakalaban nito sa halalan sa Mayo 9 na Team San Juan sa pangunguna ng kandidatong mayor na si incumbent Vice Mayor Francis Zamora. Maitatala sa kasaysayan ng San Juan ang pangyayaring ito sapagka’t sa napakahabang panahon ay ngayon lamang magkakaroon ng seryosong kalaban ang mga Ejercito-Estrada sa San Juan at upang lubos na malaman ng mga mamamayan ng San Juan ang mga plataporma ng magkabilang panig, debate na may temang “Matira ang Matibay” ang solusyon ng LBPI. Kaakibat nito, dadalo rin ang mga lehitimong mediamen at photojournalists mula sa iba’t ibang pahayagan, radio stations at TV networks.
Inanyayahan din si Comelec director James Jimenez upang masaksihan ang debate.
Ang Debate ng mga Kandidato ng San Juan –Matira Ang Matibay! ay gaganapin sa Rembrandt Hotel, Tomas Morato Avenue, Quezon City sa Martes, April 26, 2016, 9:00 ng umaga.