MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Chiz Escudero ang pag-audit kung saan napunta ang pera mula sa taas-pasahe ng Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit 1 at 2 dahil sa patuloy na kalbaryo na dinaranas ng mga pasahero.
Ani Escudero, marapat na malaman kung saan napunta ang pera mula sa dagdag-taas pasahe noong Enero 2015 dahil hindi naman aniya gumanda ang serbisyo ng MRT3 at LRT 1 at 2, bagkus ay tadtad pa ng reklamo mula sa mga pasahero.
“Wala namang napala ang mga pasahero. Mahaba pa rin ang pila, sirain ang mga tren, madalas hindi gumagana ang mga escalator at elevator, mainit ang buga ng aircon, madumi ang mga palikuran, atbp,” sabi ni Escudero.
Kasalukuyang inirereklamo ng mga pasahero ang nakakahimatay na init sa loob ng mga tren. Anang ilang pasahero, mainit na nga raw sa labas, mas mainit pa sa loob ng mga tren dahil sa mahinang air-conditioning system ng mga ito.
“Nagbayad ka na nga ng mas mahal, wala namang naiba sa serbisyo. Kaya dapat lamang sabihin ng pamunuan ng MRT at LRT kung saan napupunta ang pera mula sa taas pasahe,” pahayag ng independyenteng kandidato bilang bise presidente.
Nang ianunsyo ni DOTC Secretary Emilio Aguinaldo Abaya noong Disyembre 2014, siniguro niya na aayos ang serbisyo ng MRT at LRT pagkatapos maipatupad ang taas-pasahe.
Inalmahan noon ni Escudero ang planong pagdadagdag sa pamasahe dahil walang nangyaring konsultasyon sa mga pasahero ukol dito.
Tinatayang P2.064 bilyon ang nakolekta ng gobyerno mula sa taas-pasahe ng MRT3 at LRT 1 at 2, ayon sa DOTC.