Binay suportado ng Islamic leaders

MANILA, Philippines – May 50 lider ng Islam ang nagpahayag ng kanilang buong suporta kay United Nationalist Alliance (UNA) presidential bet standard-bearer Vice President Jejomar C. Binay sa kanyang posisyon sa extra judicial killings.

Tinanggap kahapon ni Binay ang suporta ng mga Islamic leaders kasabay ng naganap na pulong ng mga kapatid na Muslim ng Grand Mufti and Ustadz ng Region 9 at Basulta (Basilan, Sulu, Tawi-tawi) sa Zamboanga City.

Sa pulong, inihayag ni Binay na kontra siya sa mga kandidatong may plataporma na nagsusulong ng karahasan sa pagsugpo ng krimen tulad ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte.

Nagbabala si Binay sa mga lider na ang boto para kay Duterte ay hindi magdadala ng kaayusan at katahimikan sa Mindanao.

“We Muslims and Christians have the moral responsibility not to vote for Duterte,” ani Binay sa kanyang pananalita kasabay ng paliwanag na kailangan ngayon ng Mindanao ng isang mahusay at mahabaging lider na mamumuno upang magbibigay ng solusyon sa mga pagkasira na ginawa ng nagdaang administrasyon.

“Kasama sa priority agenda ko that we will continue talking and work for lasting peace here in this part of Mindanao,” ipinunto ni Binay.

“We will always pursue peace. I will talk with anybody and continue negotiations. ‘Yong BBL, hindi masasayang ang effort diyan dahil kahit hindi naipasa kasi magiging kasama ito ng working paper sa pag-uusap natin,” dagdag pa ng pambato ng UNA.

Magugunita na tahasang binatikos ni Binay si Duterte dahil sa mga ginawa umanong pagpatay sa mga mahihirap sa Davao kung saan ipinagmalaki pa na siya ang nasa likod ng Davao Death Squad (DDS), isang vigilanteng grupo na nagsasagawa ng extra-judicial killings.

Tinukoy ng United Nations, Amnesty International at iba pang human rights groups ang DDS na siyang responsable sa mga pagpatay ng libong sibilyan kabilang na ang mga menor de edad sa Davao.  

Idinagdag pa ni Binay na inamin din ni Duterte sa media ang kanyang pagkakakasangkot sa pagpatay sa may 1,700 katao na taliwas sa  bilang na 700 biktima na naitala ng Amnesty International.

Nais ni Binay sa kanyang pag-upo bilang Pangulo ng bansa kapag nahalal na papanagutin maipakulong si Duterte at ang DDS sa ginawa umano nilang mga walang pakundangang pagpatay ng maliliit na sibilyan.

Nangako si Binay na hindi niya sasantuhin si Duterte bagaman bibigyan niya ito ng pagkakataon sa sumailalim sa proseso ng batas.

Show comments