Daragang Magayon Festival, lalong pababahain ang turista sa Albay
LEGAZPI CITY, Philippines – Inaasahang lalong dadagsa ang mga turista sa Albay ngayong Abril kaugnay ng 2016 Daragang Magayon Festival (DMF 16) nito na nagsimula noong Marso 28 at gugulong sa buong buwan ng Abril.
Lalo pang pinatingkad ang reputasyon ng Albay bilang “cultural and eco-tourism jewel” matapos itong ideklara nitong nakaraang Marso 18 sa Lima, Peru bilang World Bioshere Reserve ng UNESCO na isinama na rin ang Mayon Volcano sa tentative list nito ng World Heritage Sites.
Lalo din nitong pinagningning ang naunang 2015 parangal na iginawad sa lalawigan ng Pacific Asia Tourism Association (PATA) bilang “New Frontier Tourist Destination” at panalo sa kauna-unahang $1-million CEO Challenge nito.
Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, ibinabahagi lamang ng Albay ang angking likas na ganda at yaman nito, at gaya ng ibinabadya ng mga karangalan at pagkilalang inani ng Albay, malugod nilang inaanyayahan ang buong mundo sa kanilang lalawigan upang damhin at lasapin nila ang naiibang mga iniaalay nito.
Binigyang diin ni Salceda na ang tunay at likas na ganda at pagmamalasakit sa kapaligiran ang buod ng taunang pagdiriwang nila ng Daragang Magayon Festival na pang-18 taon na ngayon.
Malakas na pang-akit ito sa mga turista, lalo na at kilala na and lalawigan bilang isa sa mga nangungunang tourist destinations ng bansa.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), ang Albay ay isang “tourism powerhouse” na umaakit ng libu-libong banyagang turista sa Pilipinas.
Bilang patunay naman sa saling lahing yaman ng Albay, idinekara ng National Museum of the Philippines (NMP) nitong Disyembre lamang ang 201-taong Cagsawa Ruins sa lalawigan bilang National Cultural Treasure.
Patuloy na pinalalago ng taunang Daragang Magayon Festival ang turismo ng Albay. Layunin din nito na lalong paigtingin ang kahalagahan ng Albay-Masbate-Sorsogon (Almasor) Tourism Alliance na nagbubuklod sa tatlong lalawigan ng Bikol bilang “Soul of the South” ng pambansang turismo.
- Latest