MANILA, Philippines – Bumwelta si UNA presidential candidate Vice President Jejomar Binay sa pilit na pagparusa ni BIR Commissioner Kim Henares sa mga ordinaryong manggagawa.
Ito ay matapos batikusin ni Henares ang planong pagtanggal sa income tax para sa mga manggagawang sumusweldo ng hindi hihigit sa P30,000 kada buwan.
Aniya, ipinakita na naman ng administrasyong ito ang kawalan ng malasakit sa mahihirap.
‘Di tulad ng administrasyong ito na laging hindi pwede ang sagot sa planong iahon sa hirap ang mamamayan, sinabi ni Binay na uunahin ng kanyang administrasyon ang pagtulong sa mahihirap.
Balak ni VP Binay na alisin ang income tax sa mga kumikita ng P30,000 at pababa sa unang taon niya bilang presidente. Ito aniya ang magwawakas sa hindi makatarungang pagpapataw ng buwis kung saan sinlaki ng buwis sa mahirap ang buwis ng mga milyonaryo.
Aabot sa anim na milyong Pilipino ang makikinabang sa pagtatanggal sa income tax para sa mga middle at below-middle class workers. Kabilang dito ang mga sundalo, pulis, nars, pampublikong guro at mga clerk sa gobyerno.
Dagdag pa ni Binay, maibabalik ang nabawas na kita mula sa buwis sa pamamagitan ng pag-iigting sa laban sa smuggling.
Sagot pa ni VP Binay kay Henares, hindi dagdag na buwis ang solusyon sa mga problema ng bansa kundi dagdag na trabaho, edukasyon at serbisyo medikal.
Aniya, ang mga ito ay obligasyon ng pamahalaan na ipamahagi kaya hindi makatarungang paghirapin pa lalo ang mahirap na at payamanin pa lalo ang mga milyonaryo na.
Giit ni Binay, tutulungan niyang makaahon ang 26 na milyong Pilipinong pinaghirap ng kasalukuyang administrasyon.