MANILA, Philippines – Inendorso na ni Pampanga Governor Lilia Pineda si Liberal Party standard bearer Mar Roxas at Leni Robredo sa isang grand rally sa Pampanga na dinaluhan ng mahigit 20,000 katao.
Sa harapan mismo ni Pangulong Aquino, inamin ni Pineda na bilyon-bilyong pisong halaga ng mga proyekto ang ibinuhos ng administrasyon sa kanyang probinsiya kahit malapit ito kay dating Pangulong Gloria Arroyo.
“Dito po sa Pampanga, sa bilyon-bilyong proyekto lalo na sa infrastructure, sa ikauunlad ng province ng Pampanga, lahat po ng Kapampangan pinapangako sa inyo na susuportahan ang inyong mga kandidato,” sabi ni Pineda kay PNoy.
Noong 2013 ay sinuportahan din ni Pineda ang senatorial slate ng Team PNoy, kahit malapit ito kay Arroyo, na ngayo’y congresswoman ng Pampanga.
Dumoble ang budget ng imprastruktura sa Pampanga mula sa national government, na umabot na sa P16.94 bilyon para sa 2016. 51,371 na pamilya ng mga mahihirap na Kapampangan ang naging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa kabilang dako naman ay inendorso na rin ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto ang tambalang Roxas-Robredo, sa paniniwalang ang dalawa ang makakapagpatuloy ng progreso ng ating bansa.