MANILA, Philippines - Binatikos ng United Nationalist Alliance (UNA) si dating DILG Secretary at Liberal Party standard bearer Mar Roxas matapos madiskubre ng Commission on Audit (COA) na mayroong mahigit P7 bilyong pondong ginastos sa termino ni Roxas ang nanatiling unliquidated.
Sakop sa may unliquidated fund transfers ang mga proyektong Provision of Portable Water program (SALINTUBIG), PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA), Bottom-Up Budgeting (BUB), Rehabilitation Assistance on Yolanda (RAY), at Public Transport Assistance Program (PTAP).
Ayon sa COA report, patunay ito na nagkulang ang DILG na ma-monitor ang implementasyon ng mga nasabing proyekto.
Bukod sa unliquidated fund transfers, may ?17 milyong cash advances din ang unliquidated pa, ayon sa COA.
Sa 2013 Annual Financial Report, sabi ng COA nagkaroon ng mahigit ?1.1 bilyon na unliquidated cash advances ang DILG sa ilalim ni Roxas na ginastos para sa mga biyahe sa buong Pilipinas at sa ibang bansa. Hindi pa rin naliquidate ang mga ginastos para sa ilang proyekto, dagdag ng COA.
Ayon kay UNA spokesman Mon Ilagan, ang nasabing COA report ay nagpapakita ng kakulangan ng executive capability ni Roxas.
Dagdag ni Ilagan, nangyari itong bilyong pisong unliquidated na pondo dahil kahit mga projects na wala namang technical knowledge ang DILG ay kinuha nito.
Ang unliquidated cash advances ng DILG ni Roxas noong 2013 ay kumakatawan sa 10.85 porsyento ng kabuuang mahigit sa ?10.14 bilyong unliquidated funds sa taong iyon.
Sinabi naman ni Ilagan na ang panguluhan ni Vice President Jejomar Binay kapag nahalal ito sa halalan sa Mayo ay tututok sa tamang pagpapatupad at pagmomonitor sa mga proyekto at programa ng pamahalaan.
Ayon kay Ilagan, nangako si Binay na magtatalaga ng mga taong merong napatunayang track record at karanasan sa posisyon sa Gabinete para makapagtrabahong mabuti at wala nang mga pagkakamali.