MANILA, Philippines - Maaaring makasuhan ang Commission on Audit sa iligal na pagpapalabas ng hindi kumpletong audit report kaugnay ng kontrobersyal na Building 2 ng Makati City Hall.
Ito ang babala kahapon ni United Nationalist Alliance President Toby Tiangco na pumunang sinuway ng COA ang sarili nitong patakaran na huwag gumawa ng special audit sa mga kandidato sa darating na halalan.
Tinuglisa rin ni Tiangco ang kaduda-dudang paglabas ng naturang report matapos na sila’y makatanggap ng impormasyon na ang mabilisang paglabas ng report ay kagagawan ng isang PR consultant ng Ombudsman.
Ayon pa kay Tiangco, ang Makati Building 2 ay dumaan at pumasa ng labing-isang regular na audit ngunit ang kinalabasan ng special audit ay baligtad.
“Basta si VP Binay, fast-forward ang mga audit kahit pa sila mismo ang nagbawal nito. Pero kapag kaalyado ng administrasyon, uupuan ang kaso hanggang sa makalimutan,” sambit pa ni Tiangco.
Samantala, sinabi naman ng abogado ni Mayor Junjun Binay na si Claro Certeza na, para sa kanya, ang COA at Ombudsman ay hindi patas pagdating sa kanyang kliyente at hinusgahan kaagad na guilty ito.
“Ang korte lang ang puwedeng magpasya kung merong kasalanan o wala ang isang tao,” diin niya na nagdagdag na hindi pa rin nila natatanggap ang kopya ng report ng COA na nalathala na sa mga pahayagan.
Sinabi pa ni Tiangco na sumulat siya sa COA nitong Pebrero 21 na dapat respetuhin ng naturang ahensiya ang sarili nilang patakaran sa lahat ng mga kandidato lalo na yung tumatakdo sa oposisyon.
Napilitan si Tiangco na sumulat sa COA matapos makatanggap siya ng maraming reklamo sa hanay nila na patuloy hina-harass ang mga kandidato ng UNA gamit ang mga report ng COA na hindi man lang kinuha ang panig ng mga inereklamo.
Galit na galit din si Tiangco sa mga ulat na nakikiusap umano si Bise Presidente Binay sa COA na huwag muna ilabas ang report hanggang hindi pa tapos ang halalan sa dahilang karamihan sa mga kumisyoner ng COA ay pawang mga itinalaga ng Liberal Party.
Tinuglisa din ng opisyal ng UNA ang pagdiin ng Ombudsman na hindi nila pinipilit ang COA na ilabas kaagad ang kanilang report.
Sa panig naman ni Certeza, nagulat siya kung bakit mananagot si Mayor Junjun Binay sa mga transaksyon sa Makati City Hall noong 2007 samantalang naging mayor ito ng Makati noon lamang 2010.
Samantala, tinuglisa naman ni Mayor Junjun ang kawalan ng due process sa bansa sa malinaw na pagmamadali sa mga kaso laban sa kanya at sa kanyang ama.
Kaduda-duda rin ang “timing” ng atake sa kanila sa dahilang malapit na ang kasunod na debate ng mga presidentiables.