MANILA, Philippines — Upang maiwasang magkaaberya sa kandidatura, pinayuhan ni dating Commission on Elections (Comelec) Chair Sixto Brillantes ngayong Martes si senatorial candidate at Sarangani Rep. Emmanuel "Manny" Pacquiao na ipagpaliban ang kaniyang laban sa Abril, isang buwan bago ang eleksyon.
Sinabi ni Brillantes na malaki ang magiging lamang ni Pacquiao laban sa kaniyang mga kalaban sa pagkasenador sa pagkakaroon ng media mileage kapag nagbakbakan na sila ni Timothy Bradley sa Abril 9.
"... (S)uch coverage would surely provide him an enormous advantage over all other candidates. Difficult would be to deny that it was not deliberate," pahayag ni Brillantes.
Dagdag niya na ang araw ng laban ni Pacquiao ay kasabay ng botohan ng mga Pilipinong nasa labas ng bansa.
Aniya ang pay-per-view nationwide coverage ay mistulang pag-endorso sa isang kandidatong tulad niya.
"The reason being it provides added propaganda advertisement to one's candidacy besides earning financially from such product endorsement," patuloy ng dating Comelec chairman.
Inilarawan ni Brillantes si Pacquiao bilang isang “worldwide personality” na ayon sa batas ay hindi maaring lumabas sa telebisyon sa panahon ng pangangampanya tulad ng pagbabawal sa mga artista, at sa mga mamamahayag na nais magsilbi sa publiko.
Nauna nang iniutos ng kasalukuyang Comelec Chair Juan Andres "Andy" Bautista sa law department ng poll body ang pag-iimbestiga sa kaso ni Pacquiao.
"If you're an endorser who decided to run for public office, you have to stop your endorsements during campaign period," wika ni Bautista.