MANILA, Philippines - Hinahamon ng isang human rights group ang mga kandidato sa national position na magkaroon ng paninindigan kaugnay ng paghahabol sa nakaw na yaman ng Pamilya Marcos.
Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, chairperson ng Grupong Karapatan, 30 taon na ang nakakalipas mula nang mapatalsik sa pwesto ang Rehimeng Marcos, pero hanggang ngayon, hindi pa rin natatapos ang paghahabol sa nakaw na yaman ng dating unang pamilya.
Umaasa si Enriquez na isa ang nasabing isyu sa mga seseryosohin ng susunod na administrasyon sa pamamagitan ng pagpapalakas sa Presidential Commission on Good Government at pagtatalaga dito ng mahuhusay na abugado.
Una nang tinukoy ng PCGG na nagsisinungaling si Senador Bongbong Marcos nang sabihin niyang hindi na siya kasama sa mga hinahabol ng gobyerno sa mga kaso ng ill-gotten wealth.
Katunayan, ayon kay PCGG Public Information Chief James Carlos, salig sa naging desisyon ng Korte Suprema nuong 2012, nananatili pa ring defendant sa mga kaso ng ill-gotten wealth ang vice presidential candidate, pati na ang kanyang inang si Congresswoman Imelda Marcos at mga kapatid na sina Ilocos Norte Governor Imee Marcos at Irene Marcos-Araneta.
Una na ring tinawag ng ilang anti martial law group si Sen. Bongbong na “like father, like son,” matapos na masangkot ito sa isyu ng PDAF scam nang siya ay pangalanan ni Benhur Luy na isa sa mga nakinabang sa mga pekeng NGO ni Janet Napoles.