MANILA, Philippines - Tatlong hinihinalang ‘tulak’ ng iligal na droga ang nadakip sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District-District Anti-Illegal Drugs (MPD-DAID) sa Quiapo, Maynila, kahapon ng hapon kung saan nasamsam dito ang isang kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4 milyon ang halaga.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Khalid Adalig, Omaya Maromsalik at Joana Laguindab.
Ang tatlo ang nakipagtransaksiyon sa mga pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy-bust sa may Hidalgo St.
Dakong alas-4:15 nang dumating ang mga suspek na pawang naglalakad lamang at may bitbit na grocery bag, na nasa loob ang isang kilo ng shabu, na kung pagmamasdan ay mistula lamang bigas ang laman.
Sinabi ni MPD-DAID chief, Chief Inspector Francisco Vargas, sasampahan nila ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o drug pushing ang mga suspek.
Iniutos na ni MPD Director, Chief Supt. Rolando Nana na imbestigahan at tukuyin ang source o pinagmumulan ng shabu.