PNoy: Supporters ni Bongbong tila nakalimot sa 'Tama na, sobra na, palitan na'

Vice presidential candidate Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. is greeted by supporters during his campaign sortie in Muntinlupa city southeast of Manila, Philippines Monday, Feb. 22, 2016. AP Photo/Bullit Marquez

MANILA, Philippines — Nababahala si Pangulong Benigno Aquino III sa posibilidad na sundan ni vice presidential candidate at Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang yapak ng diktador na amang si dating Pangulo Ferdinand Marcos.

Pinagbasehan ni Aquino ang tila pagmamatigas ng senador na humingi ng tawad sa lahat ng biktima ng martial law na nawakasan dahil sa EDSA people power revolution, 30 taon na ang nakararaan.

"Pero ang masakit: ‘Yun pong kadugo ng diktador, sa mahabang panahon ay puwede namang sinabing, 'Nagkamali ang aking ama' o 'Nagkamali kami; bigyan n’yo kami ng pagkakataong iwasto ito.' Pero isipin na lang po ninyo, ito ang tahasang naging pagsagot niya, 'I am ready to say sorry if I knew what I have to be sorry for," banggit ng Pangulo.

BASAHIN: Kalayaan 'di na papayagang mabawi muli - Aquino

"Ang akin nga, thank you na lang, dahil kahit papaano nagpakatotoo ka sa pagpapakitang handa kang tularan ang iyong ama," dagdag niya.

Ikinadismaya rin ni Aquino ang pagsuporta ng ilang Pilipino sa kandidatura ng senador na sa pinakahuling survey ay katabla niya si Sen. Francis Escudero.

"Ngayon po, kung tama ang ilang mga survey na nagsasabing dumarami ang sumusuporta sa anak ng diktador na hindi kayang makita ang pagkakamali ng nakaraan, ang ibig po bang sabihin ay nalimot na natin ang sinabing, 'Tama na, sobra na, palitan na,'?" ani Aquino.

Sinabi rin ng Pangulo na tila “golden age” lamang ng iilang tao ang panahon ng mga Marcos sa pwesto.

Isa ang ama ni Aquino na si dating Sen. Benigno Aquino Jr. sa mga nakaranas ng pagmamalupit ng batas military ni Marcos.

"Hayagan kong sinasabi ngayon, bilang bahagi ng henerasyong pinagdusa ng diktadurya: Hindi golden age ang panahon ni Ginoong Marcos. Isa itong napakasakit na yugto ng ating kasaysayan."

Show comments