MANILA, Philippines — Golden age lamang ng ilang tao ang panahon ni dating Pangulo Ferdinand Marcos, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.
Sa kaniyang talumpati sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sinariwa ni Aquino ang sinapit ng mga Pilipino at ng bansa.
"Napapailing na nga lang po ako, dahil may mga nagsasabi raw na ang panahon ni Ginoong Marcos ang siyang golden age ng Pilipinas. Siguro nga, golden days para sa kanya, na matapos na masagad ang dalawang termino bilang pangulo, na katumbas ng walong taon, gumawa pa siya ng paraan na kumapit sa kapangyarihan," pahayag ni Aquino ngayong Huwebes.
Sinabi ni Aquino na lumaki ang utang ng bansa noong panahon ni Marcos na umabot sa P192.2 bilyon noong 1985.
Dahil din sa panggigipit sa mga Pilipino ay dumami ang miyembro ng New People's Army.
"Noon, golden age ng mga New People’s Army, na dahil sa pagkadismaya ng taumbayan ay sinasabing lumobo mula sa 60 katao tungo sa 25,000 ang hanay noong pagtapos ng Batas Militar," ani Aquino.
Dagdag ng Pangulo na naging talamak din ang agawan ng lupa sa Mindanao na hinayaan lamang ng gobyero noong panahon ni Marcos.
"Nauso nga po ang land-grabbing sa Mindanao; ang rehimeng Marcos naman, sa halip na pumanig sa mga pinagsamantalahan, ay tila kinunsinti pa ang mga nanggigipit," patuloy niya.
"At di po ba: Ang BBL, naipit sa Senado sa kumite para sa lokal na gobyerno, na pinamumunuan ni Senador Marcos?"
Pinamumunuan ni Sen. Marcos Jr. ang Senate committee on local government na naghain ng substitute Bangsamoro Bill noong Oktubre 2015.