Pacquiao nanindigan vs gays

Sa kanyang post sa isang social site, iginiit ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao na hindi niya kinokondena ang sinuman ngunit kanya lamang inihahayag ang nakasaad sa Bibliya. File photo

MANILA, Philippines - Nanindigan si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa kanyang mga naunang pahayag tungkol sa isyu ng homosexuality.

Sa kanyang post sa isang social site, iginiit ni Pacquiao na hindi niya kinokondena ang sinuman ngunit kanya lamang inihahayag ang nakasaad sa Bibliya.

Iginiit pa ng Pambansang Kamao na mas susundin nito ang utos ng Diyos kumpara sa kagustuhan ng mga tao.

Ito rin umano ang nakapagpabago sa kanyang pananaw at pagtingin sa buhay.

Inulan ng mga batikos at negatibong komento sa social media si Pacquiao matapos ang TV interview nito kung saan ay sinabi ng mambabatas na “Common sense lang. Makakakita ka ba ng any animals na lalaki sa lalakI, babae sa babae? Mas mabuti pa yung hayop. Marunong kumilala kung lalaki, lalaki, o babae, babae…Kung lalaki sa lalaki, babae sa babae, eh mas masahol pa sa hayop ang tao.”

Ayon naman kay Rep. Neri Colmenares, kumakandidatong senador, “below the belt” ang nasabing pahayag ni Pacquiao laban sa mga LGBT.

“Is it human to hate their fellow human beings for having a different sexual orientation? At least animals do not discriminate against their fellow animals. And as citizens of the Republic, LGBTs should be afforded the same civil rights as everyone else,” pagtatanggol naman ni senatorial candidate Win Gatchalian sa LGBT community.

Sinabi naman ni Atty. Lorna Kapunan, magaling na boksingero si Pacquiao at dapat ay ito na lamang ang pagtuunan niya ng pansin.

Para kay Sen. Tito Sotto, misguided si Pacquiao at hindi siya sumasang-ayon sa pahayag nito.

Sa palagay naman ni dating senator Richard Gordon na kung sinabi ni Pacquiao ang kontrobersiyal na pahayag, posibleng hindi niya intensiyon na tawaging hayop ang mga gays.

Show comments