MANILA, Philippines – Nagsampa ng kasong kriminal kahapon ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa tanggapan ng Ombudsman laban kay dating PNP Chief Alan Purisima kaugnay ng madugong Mamasapano incident.
Sa pitong pahinang reklamo, sinabi nina VACC chairman Dante Jimenez at Atty. Ferdinand Topacio, dapat maimbestigahan si Purisima sa kasong usurpation of official functions na nasasaad sa ilalim ng Article 177 of the Revised Penal Code (RPC) kaugnay ng insidente.
Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y pakikiisa ni Purisima sa pagpaplano at pagpapatupad ng operasyon ng PNP-SAF sa Mamasapano, Maguindanao noong Jan. 25, 2015 na tinawag na Oplan Exodus para lansagin ang tatlong high-profile terrorists kabilang na si Malaysian bomb maker Zulkifli bin Hir alias Marwan.
Noong panahong iyon, nasa preventive suspension si Purisima matapos suspendihin ng Ombudsman upang bigyang daan ang imbestigasyon sa kasong graft na naisampa dito na may kinalaman sa maanomalyang PNP contract sa isang courier company.
“Due to his preventive suspension, he could not legally exercise the functions of his former office. Therefore, the act of respondent Purisima in relation to Oplan Exodus constitute usurpation of official functions punishable under Article 177 of the Revised Penal Code,” ayon kay Topacio.