MANILA, Philippines – Dapat umanong magbigti na lamang o ibitin ni Department of Transportation and Communication (DOTC) Secretary Jun Abaya ang kanyang sarili dahil sa kahihiyan.
Ayon kay Sen. Serge Osmeña, chairman ng Senate Committee on Public Services, malaking kahihiyan sa panig ni Abaya ang mga naging kapabayaan at kapalpakan nito sa pagtugon sa mga problema sa MRT.
Kasabay nito, ipinagtanggol ni Osmeña ang draft report ng public services subcommittee na nagrerekomendang kasuhan ng graft si Abaya at iba pang opisyal ng DOTC.
Pinanindigan ni Osmena na makatotohanan ang detalye na nakaloob sa subcommittee report lalo na ang mga paghihirap at miserableng kondisyon ng mga sumasakay sa MRT.
Wala din aniyang kwestiyon pagdating sa gross mismanagement ng DOTC at sa ulat na nakapanlulumo ang kondisyon ng MRT sa ating bansa.
Sinabi naman ni Sen. Grace Poe na dapat managot si Abaya si kanyang mga naging kapabayaan at kabiguang hawakan ng maayos ang mga isyu ng MRT.
Una rito sinabi ni Abaya na hindi siya natitinag sa rekomendasyong kasuhan siya ng graft pero nababahala daw siya dahil mas pinagtiwalaan umano ni Poe si MRT Holdings Inc. Chairman Robert Sobrepeña na maraming mga di natupad na mga obligasyon sa mga pinasok nitong negosyo.