MANILA, Philippines – Idedeploy sa mga istratehikong lugar sa bansa ang malaking bilang ng mga tropang Amerikano at mga gamit pandigma (assets and equipments) oras na simulan na ng Pilipinas ang pagho-host sa mga Amerikano sa ilalim ng Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Ito ang nabatid matapos ang pahayag ni Defense Secretary Voltaire Gazmin sa pormal na turnover ceremony ng 114 piraso ng M113A2 Armored Personnel Carriers (APCs) o mga tangke na donasyon ng Amerika sa Pilipinas.
Sinabi ni Gazmin na nais ng mga Amerikano na humimpil ang kanilang mga tropa sa Fort Magsaysay, Lumbia Airfield, Basa Air Base at iba pang military camp ng AFP sa Cebu na siyang paglalagyan ng kanilang mga eroplano at mga barkong pandigma.
Ayon kay Gazmin, ang nasabing mga kampo ng militar ang pansamantalang hihimpilan ng tropang Amerikano, military assets at iba pang mga itong kagamitan habang nasa bansa.
Ang naturang mga kampo ng AFP ay nasa mga istratehikong lugar sa bansa kabilang ang Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Basa Air Base sa Pampanga na nagbabantay sa Luzon; kampo sa Palawan na nagtatanod sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea ng Pilipinas, China at iba pa.
Ang EDCA ay bahagi ng territorial defense strategy na pinagtibay ng Korte Suprema sa gitna na rin ng pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea.