MANILA, Philippines – Matapos ideklarang international public health threat ng World Health Organization (WHO), isinama na rin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang impormasyon sa Zika virus sa pre departure orientation seminar para sa OFWs.
Nilinaw naman ng POEA na sa ngayon ay ito pa lang muna ang kanilang maaaring gawin laban sa naturang virus dahil wala pa namang rekomendasyon para sa deployment ban sa mga bansang apektado na nito.
Hinihintay pa rin umano ng POEA ang alert level laban sa Zika Virus mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Matatandaang kahit ang DFA ay hindi pa naglalabas ng travel advisory laban sa mga bansang may naitala ng kaso ng Zika tulad ng Central America, Latin America at Pacific Islands.
Ang DFA ang ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng rekumendasyon kung magpapatupad ng deployment ban ng OFW sa isang bansa.