MANILA, Philippines – Ipinagmalaki kahapon ni LP vice presidential bet Leni Robredo ang kanyang pagiging “promdi”.
Ito’y sa harap ng mga batikos ng ilan na kulang ang kanyang kwalipikasyon at kakayahan na magpatakbo ng pamahalaan dahil sa pagiging probinsiyana.
“Wala namang masama kapag galing sa probinsya ang mamumuno ng ating bansa,” wika ni Robredo.
“Ipinagmamalaki ko na ako’y ipinanganak, lumaki, nag-aral, bumuo ng pamilya at hanggang ngayon ay naninirahan pa rin sa Bicol. Wala akong dapat ikahiya sa aking pinagmulan,” dagdag pa niya.
May mga kumakalat na ulat na hindi magiging epektibo si Robredo bilang bise presidente dahil siya’y probinsiyana na walang alam sa pambansang pulitika.
Ayon kay Robredo, bentahe niya ang malawak na karanasan sa pakikisalamuha sa kanayunan kapag nahalal bilang bise presidente.
“Matagal akong nanilbihan sa mga basehang sektor, sa malalayong lugar na hindi abot ng serbisyo ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Kapag nahalal na pangalawang pangulo, nangako si Robredo na ibubuhos ang karamihan sa kanyang panahon sa mga lalawigan at mga kanayunan, kung saan ilang taon ding nagtrabaho si Robredo bago naging kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.
Para kay Robredo, pakikinabangan nang husto ang kanyang malawak na karanasan sa grassroots sector kung hahawakan niya ang anti-poverty programs ng gobyerno kapag nahalal na bise presidente.