MANILA, Philippines – Inamin ng Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic na may 250 natukoy na depektibong vote counting machines mula sa bansang Taiwan na dinala rito sa Pilipinas.
Ayon sa kinatawan ng Smartmatic, bagama’t minor issues lang ito, tiniyak nilang hindi na maisasama ang mga iyon sa gagamitin sa eleksyon hangga’t hindi ganap na naaayos ang mga nasilip na diperensya.
Ayon naman kay Comelec Chairman Andres Bautista, ang pagkakatuklas ng mga may aberyang makina ay bunga ng maagap na pagsusuri dito ng service provider at Comelec technical team.
Sa ngayon, nasa 71,456 vote counting machines na ang nakalagak sa Comelec warehouse sa Sta. Rosa, Laguna mula sa manufacturing area ng Smartmatic sa Taiwan.
Kabuuang 90,000 ang kinakailangang makina para sa darating na halalan at inaasahang makukumpleto ito sa mga susunod na araw.
Naglaan naman ng P68 million para sa renta ng napakalaking warehouse.
Bukas ang komisyon sa pagtatalaga ng dagdag na seguridad sa naturang imbakan ng voting machines upang matiyak na hindi ito masasabotahe.